Saturday, October 2, 2010

Na-Miss Ko si Tatay

Wala lang.

Naisip ko lang. Ngayon ko lang talaga napatunayan. Ang hirap pala talaga lumaki nang walang tatay. Ayan tuloy, hindi na nga ako lumaki, hehe. Kidding aside, mahirap talaga. Pinakamahirap ngayon. Damang dama ko.

Yun bang isasama ka sa parang para manghuli ng ligaw na manok o tuturuan kang manilo ng bayawak? O kaya kumuha ng ubod ng kawayan para gawing labong? Yung tuturuan kang maghasa ng gulok (itak) at humawak ng laseta (balisong)?

Walang nagturo.

Yung tuturuan kang maglaro ng basketball?

Walang nakalaro.

Yun bang dinidiskubre mo pa lang kung ano ang nasa dako pa roon? Nung umuusbong pa lang ang pamanang dugo ni Adan? Tanong mo sa sarili mo: “Pa’no ba ‘to?”

Walang nagsabi.

Yung sasamahan kang magpatuli?

Walang sumama.

Yun bang mapagsasabihan mo nung unang tumibok ang puso mo? Yung hihingan mo ng diskarte para mapasagot ang poon mo?

Walang nagbigay ng diskarte.

Nung una kang mabigo sa pag-ibig at kailangan mo ng karamay?

Walang dumamay.

Magagawa sanang lahat ni tatay ang mga iyon. Kung nandirito lang sana si tatay, disinsana’y hindi ako ganitong kawalang imik. Na-miss kita. Kailangang kailangan pa naman sana kita sa mga panahong tulad nito. Kailangang kailangan ko ng payo mo, ng tapik sa balikat. Kailangang kailangan ko ng kabarikan. Kailangang kailangan ko ng masasandalan at maiiyakan.

Pero kung nandirito si tatay, malamang nasobrahan naman ako. Marahil isa na akong dakilang lasenggo sa amin. Siguro naging bully ako nung high school. Malamang hindi ako nag-ECE. Baka Private First Class na ako ngayon. Siguro kabila-kabila rin syota ko. Baka nga may asawa na ako ngayon, tapos meron pang pangalawa o pangatlo. Ilan na rin kaya ang mga anak ko kung sakali?

Ang buhay nga naman, maaaring magbago nang malaki sa loob lamang ng isang iglap. Ngunit kung ako ang papipiliin sa pagitan ng walang amang mabait at masunurin at sa may amang barumbado at gago, pipiliin ko ang pangalawa. Bakit kanyo? Kasi hindi rin naman ako magiging barumbado, gago pa siguro. Hehe, loko lang. Yun ay dahil may nagdala rito sakin. Kaya piliin ko man ang pangalawa, may mabago man, kahit masama, dulot iyon ng pagpili ko, at tanggap ko iyon. Ngunit, isang malaking ngunit, iyon ay isa lamang napakalaking ‘kung’ na hindi na naman talaga mangyayari kahit sa hinagap. At isa pa, huwag nating kalabanin ang itinakda para sa atin.

Gayunpaman, nami-miss ko pa rin ang tatay ko.

No comments: